LABAN PARA SA 1.5 DEGREE CELSIUS
LABAN PARA SA KALIGTASAN, HUSTISYANG PANGKLIMA AT PAGBABAGO NG SISTEMA
NGAYON NA, HINDI BUKAS!
Ang mamamayan ng buong mundo ay humaharap sa patung-patong na krisis: napakasalat na kabuhayan, papatinding kawalan ng hustisya, kalusugan, diskriminasyon, inekwalidad, pang-aapi at krisis sa klima.
Ang krisis sa klima na makikita sa pagkasira ng kapaligiran at pag-init ng klima ay lalong magpapalala sa pagsasamantala at pang-aapi at inhustisya sa masa ng sambayanan. Ito ay sapagkat ang mga kinalbo at winasak na bundok ng mga lokal at dayuhang kapitalistang minero na nagdulot ng pagkasira ng ating mga tanimang kalupaan at pangisdaang batis, ilog at dagat; ang paglakas ng mga bagyo at paglaki ng mga baha na pumipinsala sa mga tahanan at komunidad ng maralita ng lungsod at kanayunan; ang pagtindi ng mga tagtuyot na nagdudulot ng pagkasira ng mga tanim, pagkawala ng tubig na maiinom at pagkasunog ng mga kagubatan na nagdudulot ng papatinding kagutuman; ang paglaganap ng sari-saring sakit dulot ng polusyon, kawalan ng malinis na tubig na maiinom, paglala ng malnutrisyon dahil sa paglala ng kahirapang dulot ng krisis ng klima.
Ang masa ng sambayanan, laluna ang mga nasa laylayan, hindi ang mga mayayaman, ang tatanggap ng buong ngitngit ng patuloy na nasisirang kalikasan sapagkat sila lang ang walang makakapitan, walang masasandalan at walang maaatrasan.
COP28: Isang Mahalagang Sandali para sa Pagbabago
Sa okasyon ng COP28 o 28th Conference of Parties sa Dubali ngayong 2023 na pinangungunahan ng mga ulo ng bansa para pag-usapan at pagkasunduan ang mga polisiya tungkol sa nagbabagong klima. Matatandaan na ang mga nakalipas na COP ay usad-pagong sa mga pagtugon sa mga kailangang gawin upang mapigil ang pag-init ng klima ng daigdig. Una, hindi nakatutupad ang mga mayayamang bansa sa kanilang komitment na ayudang pinansiyal sa mga mahihirap na bansa upang ang huli ay maka-adapt sa nagbabagong klima at mabawasan ang masasamang epekto nito sa kapaligiran at mamamayan. Ikalawa, hindi nasusunod laluna ng mayayamang bansa ang pagbabawas ng ibinubugang gas (carbon dioxide at methane) sa atmospera. Ikatlo, mabagal ang proseso ng pagtigil sa paggamit ng fossil fuel (coal, gas, oil). Ikaapat, mabagal na proseso ng paggawa ng alternatibang panggagalingan ng enerhiya mula sa renewable energy kapalit ng fossil fuel. Ikalima, halos di umuusad ang bayad-pinsala ng mayayamang bansa sa mga nawala at nasirang kapaligiran, kabuhayan, at pagkakataong umunlad ng mga mahihirap na bansa dahil sa pananakop at pandarambong ng una. Ang gubyerno ng US na impluwensiyado ang karamihan ng mga bansa ang nangunguna sa paghadlang sa pagsasakatuparan ng limang nabanggit sa itaas.
Ang COP28 ay mahalagang pagkakataon upang maipahayag sa buong daigdig ng mga mamamayan ng buong mundo ang tunay na problema at tunay na solusyon. Ang mga representante ng maraming organisasyon ng mamamayan ng daigdig ay nasa Dubai ngayon upang igiit sa nagpupulong na mga gubyerno na pakinggan ang tinig ng mga sambayanan ng planetang Earth.
Sa Disyembre 9, 2023, magsagawa tayo dito sa Pilipinas ng kontra-opensiba na magbubunyag ng mga kabiguan at maniobra ng mga gubyerno at korporasyon sa pahahong nagmimiting ang COP28. Samahan natin ang kapwa natin mga mamamayan sa iba-ibang bansa. SABAY-SABAY tayong kumilos sa Disyembre 9 upang pilitin ang mga gubyerno na tanggapin ang tunay na mga solusyon sa problemang pangklima at problemang panlipunan..
Krisis sa Klima at Gera, Wakasan
Ang pagsambulat ng gera sa maraming panig ng daigdig at lalong nagpapalala sa krisis sa klima at krisis sa kabuhayan, karapatan at kalusugan ng masa ng sambayanan. Kaya't hindi mapapaghiwalay ang solusyon sa krisis pangklima at nagaganap na gera sa daigdig.
Pareho ang epekto sa sambayanan ng gera at krisis sa klima, laluna sa mga mahihirap at nasa laylayan. Dislokasyon, dagdag na kahirapan, pagsasamantala at pagbubuwis ng buhay. Tulad ng krisis sa klima, walang ibang nakikinabang sa mga gerang nagaganap kundi ang mga dambuhalang korporasyon at mayayamang bansa na bilyun-bilyon ang tinutubo sa pagsasamantala sa manggagawa, sa pagwasak ng kapaligiran at pagbebenta ng mga mapamuksang mga armas panggera. Kaya't kaisa din tayo sa pandaigdigang panawagan na dapat itigil ang gera, igalang ang karapatang pantao at kamtin ang hustisya. Kalampagin natin ang mga gubyerno sa buong mundo na isulong ang mapayapang resolusyon at tigil-putukan sa Palestine at Ukraine.
Magkaisa Para sa Ganap na Pagbabago
Malinaw ang ating panawagan: magkaisa at solusyunan ang krisis sa klima, panagutin ang mga industriyalisadong bansa at mga korporasyon na may malaking ambag sa krisis sa klima at kawalan ng hustisya sa daigdig. Ngayon ang panahon para ganap na isulong ang makabuluhang solusyon - ang pagbabago ng sistema, tungo sa isang sustenableng pag-unlad, pagkapantay-pantay at maalwang kinabukasan para sa lahat.
Habang papalapit tayo sa COP28, paalingawngawin natin ang ating nagkakaisang tinig na aabot sa ibayong dagat na babasag sa katahimikan ng mga gubyerno sa kawalang katarungang nangingibabaw sa lipunan. Sama-sama tayong manindigan para sa hustisya sa klima, karapatang pantao, at para sa isang mundong malaya sa tanikala ng pang-aapi, pagsasamantala at inekwalidad. Panahon na ng pagbabago! Lumaban para sa ating kaligtasan!
PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento