Sabado, Marso 8, 2025

Nilalaman ng polyeto ng Oriang para sa Araw ng Kababaihan

KABABAIHAN: LABANAN ANG KAGUTUMAN, KALAMIDAD, AT KARAHASAN!
WAKASAN ANG KORAP AT KONTRA MAHIRAP NA GOBYERNO!

KINOKONDENA ng Oriang ang sadyang pag-abandona ng gobyerno sa tungkulin nito sa mamamayan.

Una. Sa 2025 Budget, klarong ipinakita ng gobyerno ang kawalang malasakit nito sa mamamayan. Pinaliit nito ang kulang na ngang pondo para sa serbisyong panlipunan. Kinabigan na nga ng P90 bilyong piso ang Philhealth noong 2024 ay zero pa ang ibinigay na pondo para sa taong 2025. Ngayon pa lang damang-dama na ng mga naospital ang kawalan ng pondo sa mga opisina ng social service ng ospital. Ituturo ka sa mga pulitiko upang doon humingi ng GL o guarantee letter upang mabawasan ang iyong bayarin. Maliit ang ibinigay na pondo para sa edukasyon.

Ikalawa. Ang programang 4PH para sa pabahay ay negosyo pala ng gubyerno at builders hindi pabahay para sa maralita.

Ikatlo. Patuloy na tumataas ang bill sa kuryente at tubig dahil ang mga ito'y dating serbisyo publiko pero ipinaasa sa mga malalaking kapitalista na ginawang negosyong pinagtutubuan ng malaki.

Ikaapat. Nagpapatuloy at lumalala ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin laluna ang pagkain dahil hindi sinusuportahan ng gubyerno ang lokal na agrikultural na produksyon. Mas pinili ng gubyerno na mag-import ng mga produktong agrikultural kasama na ang mga isda. Dahilan upang ang mga magsasaka ay mangalugi sa kanilang pagtatanim. Kamakailan lamang ay pinayagan ng Korte Suprema ang mga malalaking negosyanteng mangingisda na pumasok sa 15 kilometro dagat mula sa pampang na aagaw sa pangisdaan ng maliliit na mangingisda. Pagkasira ng bahurang itlugan ng mga isda at kagutuman ang magiging dulo sa kapasyahang ito ng korte.

Ikalima. Kahit may mga batas para sa Universal Health Care (UHC) at sa Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH), mataas pa rin ang bilang ng mga kababaihang namamatay sa kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak. Dahil nga ninanakaw ng mga nasa itaas ng gubyerno ang pondong nakalaan para sa UHC. Dagdag pa rito ang kabagalan sa implementasyon ng comprehensive sexuality education (CSE) na malaking tulong sana sa pagpapababa naman ng kaso ng mga batang ina.

Ikaanim. Hanggang ngayon ay hindi pa kinikilala ng gubyerno at di nabibigyan ng tamang polisiya at kabayaran ang trabahong bahay o care work ng mga miembro ng pamilya. Ayon sa pag-aaral, ang gawaing pagkalinga sa mga miembro ng pamilya ay aabot sa 37% ng gross domestic product o kabuuang halaga na bunga ng pagtatrabaho ng lahat sa loob ng bansa.

Ikapito. Hanggang ngayon, walang matinong programa sa pagpapaunlad ng industriya at agrikultura ang gubyerno. Na sana ay magluluwal ng matitinong trabaho na magpapaunlad sa ating bayan upang huwag nang humanap ng trabaho sa ibang bansa ang ating mga kababayan ang ekonomya na may kakayahang magbigay ng nakabubuhay na sweldo sa ating mga manggagawa.

Ikawalo. Ngayon, naging pandemic na ang kontraktwalisasyon. Ang pagtatrabaho nang di regular, anumang oras ay pwedeng matanggal, maliit ang sweldo at benepisyo. Higit na apektado ang kababaihan dahil 55% ng manggagawa ay babae.

Ikasiyam. Ang mga pinuno ng bansa ay utak-magnanakaw. P125 milyon ang confidential fund na iligal na ibinigay ni Marcos mula sa confidential fund nito. Winaldas ni Sara ang P125 milyon sa loob ng 11 araw. Walang matinong paliwanag. Ganundin ang P600 milyon na pondo ng DepEd sa ilalim ni Sara. Nawaldas din. Walang matinong paliwanag. Kamakailan, nadiskubre na noong 2023-2024 ay may nakalaang P200 milyon para sa voucher students ng DepEd, marami sa mga ito ay mga ghost students o di totoong mag-aaral. Ayon sa mga dokumento, ang pera ay tinanggap ng mga taong ang mga pangalan ay kasintunog ng mga sitsirya gaya ng Piattos, Oishi, at iba pa. Halatang ibinulsa ang lahat ng pondo. Gayundin, ang gubyernong Marcos kasabwat ang kanyang pinsan na si Romualdez, lider ng kamara, ay nagkasundo sa pamamagitan ng batas GAA o General Appropriations Act noong 2023 na kunan ng pondo ang mga ahensya ng gubyerno na may sobrang pondo kabilang ang PhilHealth. Kaya napilipit nila ang kamay ng mga opisyal ng PhilHealth na magbigay ng halos P90 bilyong piso sa Treasury o kaban ng bansa para daw gastusin sa konstraksyon ng tulay. Lumilitaw na ang tulay na iyon ay mayroon nang nakalaang pondo, at ang konstraksyon ay hindi pa nagsisimula. Saan napunta ang pera ng PhilHealth? Na dapat sana ay ginagamit ng mga nag-aagaw-buhay sa mga ospital ng gubyerno para maisalba ang kanilang buhay!

At itong 2025 Budget, ang mga binawas sa pondo ng kalusugan, zero PhilHealth fund, binawas sa pondo ng edukasyon at iba pang serbisyo publiko ay dinala sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIPP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP). Lahat ng iyan, sa halip na ipagbawal na ipamahagi sa panahon ng kampanya, ayon sa COMELEC ay pwedeng ipamahagi hanggang Mayo 2, 2025. Bilyon-bilyong halaga ang libreng perang pangkampanya ng mga nasa poder. Habang natutuwa ang mga kababayan natin sa kakarampot na ayuda, ang mas nakikinabang ay ang mga trapo at dinastiyang namumudmod nito sapagkat mas malaki ang kanilang pakinabang sa pera ng bayan. At dahil sa nakaw na perang iyan ay muli silang uupo sa pwesto upang magnakaw pang muli. Ginawa na nilang ligal ang pagnanakaw sa pamamagitan ng General Appropriations Law.

Sa lahat ng mga problemang nabanggit, kababaihan ang mas nakakadama at mas nahihirapan. Pahirap sa kababaihan ang gubyerno ng mga trapo at dinastiya. Panahon nang sinulan ang pagpupundar ng gubyerno ng masa na tutugon sa kapakanan ng kababaihan.#

Oriang
Marso 8, 2025

Martes, Pebrero 25, 2025

Pahayag sa ika-39 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa

ITULOY ANG KINAPOS NA LABAN NG EDSA 1986:
LABANAN ANG KRISIS, PANDARAMBONG, AT PANLILINLANG!
MARCOS-DUTERTE, PANAGUTIN!
ITAKWIL ANG REHIMENG MARCOS!

Isang taon na lang at apat na dekada na ang pag-aalsang EDSA. Kaisa kami sa pagtitipon ngayong taon, na nananawagang muling "isabuhay ang diwa ng Edsa". Subalit nais naming iklaro kung ano para sa BMP, PLM, at SANLAKAS ang diwang dapat nating muling isabuhay.

Para sa amin, ang pag-aalsang Edsa ay kulminasyon ng mahabang laban ng bayan sa diktadurang Marcos. Karugtong ng mga pag-aalsa ng kilusang estudyante noong First Quarter Storm; ng pagpihit ng armadong labanan sa kanayunan dahil nawalan ng puwang para sa hayagan at ligal na oposisyon; sa welga sa La TondeƱa at ang "strike wave" sa gitna at dulong bahagi ng dekada '70 na bumasag sa lagim ng Martial Law, ang ispontanyong noise barrage laban sa noise barrage laban ssa dayaan noong 1978 Interim Batasang Pambansa elections (kung saan tumakbo sa oposisyon si Ninoy Aquino at ang lider-manggagawang si Alex Boncayao sa ilalim ng LABAN o Lakas ng Bayan), ng malawak na ispontanyong protesta sa asasinasyon kay Ninoy noong 1983 na umabot pa sa business district ng Makati; at ng civil disobedience noong 1986 na resulta ng dayaan sa snap elections.

Ang "diwa ng Edsa" ay ang kahilingan ng taumbayan para sa ganap na pagbabagong panlipunan, hindi lamang simpleng pagpapabagsak ng rehimen. Paghahangad na ang mga abstraktong panawagan para sa "kalayaan", "demokrasya", at "karapatan" ay magkaroon ng totoo't kongkretong pagbabago sa araw-araw na buhay ng masang Pilipino.

Sariwain natin ang kamangha-manghang kabanata ng pagkakaisa ng taumbayan. Pagkakaisang nagpabagsak sa diktadura. Subalit kinapos para ihatid ang pagbabagong inaasam ng mamamayan bilang bunga ng pag-aalsa. Ang lakas ng nagkakaisang mamamayan ay nauwi sa simpleng "regime change". Ang karapatang bumoto ay naging pagpili kung sinong dinastiya ang may monopolyo sa kapangyarihan - ramdam ito mula sa pambansa hanggang sa mga LGUs. Ang paglaya mula sa mga kroni ni Marcos ay humantong sa monopolyo ng iilang bilyonaryo sa ipinagmamalaking taon-taong paglago ng yaman ng bansa.

Matamis at mapait ang mga aral ng kasaysayan sa naganap na pag-aalsa noong 1986. Minsan nating nalasap ang matamis na simoy ng pagkakaisang may kakayahang yumugyog sa bulok na kaayusan at magpatalsik sa diktador. Subalit aminin nating kinapos ito sa paghahatid ng pagbabago sa mayoryang naghihirap. Ang pait ng kahirapan at kawalang pag-asang dinanas ng taumbayan matapos ang Edsa 1986 ang ginagatungan ng mga rebisyunista para malimutan ng taumbayan ang bisa at lakas ng kanilang nagkakaisang laban.

Upang hindi malimot ang "diwa ng Edsa", ipagpatuloy natin ang laban para sa ganap na pagbabagong panlipunan, at kilalanin na ang rekisito nito ay ang pangangailangan sa tuloy-tuloy na pakikibakang hindi magpapalimita sa simpleng pagpapalit ng rehimen. Magagawa ito kung ang pagkakaisa ng taumbayan ay independyente sa elitistang paksyong karibal ng nakaupong administrasyon. Kung hindi, mauulit lamang ang trahedya ng Edsa 1986, kung saan ang taumbayan ay sama-samang nagpabagsak sa rehimen habang bihis na bihis ang karibal na elitistang paksyon (kasama ang mga balimbing na sina Ramos at Enrile) para umagaw lamang ng estado poder.

Ang ating pag-amin sa kakapusan at kahinaan ng pag-aalsa noong 1986 ay batayan kung bakit natin itinutuloy ang laban para sa "diwa ng Edsa" o sa "ganap na pagbabagong panlipunan". Sapagkat ang mga kabulukang nagsindi sa pakikibakang anti-Marcos noon ay siya ring namamayagpag hanggang ngayon. Nananatili ang krisis sa kabuhayan, ang pandarambong, at ang panlilinlang ng taumbayan.

KRISIS SA KABUHAYAN: Tatlong taon na ang rehimeng Marcos Junior pero wala itong nagawa para ampatin ang krisis sa kabuhayan ng taumbayan. Sumisirit pataas ang presyo ng mga bilihin. Hinahayaan ang pagtaas ng presyo ng langis at singil sa kuryente. Laganap pa rin ang kawalan ng hanapbuhay at kontraktwalisasyon. Hindi sumasabay ang sweldo sa patuloy na pagtaas ng inflation rate.

PANDARAMBONG: Sa dulo pa ng ikatlong taon ay ginawa ang enggrandeng pandarambong sa kaban ng bayan sa anyo ng 2025 election budget ng mga trapo't dinastiya. Sa halip na aksyunan ang desperadong kalagayan ng masa, mas pinokusan pa ang pagtugis sa kabilang bahagi ng dating Uniteam - ang paksyon ng mga Duterte. Subalit pareho lang naman sila ng mga isinusulong na patakaran sa ekonomya. Pareho lang na mga mandarambong sa kaban ng bayan. Sa alitan ng Team Kasamaan at Team Kadiliman, napatunayang muli ang kasabihang "ang magnanakaw ay galit sa kapwa magnanakaw".

PANLILINLANG: Nagbabalatkayo ang rehimeng Marcos na tinutugis ang mga Duterte sa madugong "War on Drugs" subalit ano ba ang kanilang pandarambong sa badyet kundi pagnanakaw sa pondong naipon sa pawis at dugo ng mamamayang pinapatawan ng buwis sa kanilang sweldo't kita at sa kanilang paggastos at pagkonsumo? Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga Duterte na maingay sa isyu ng 2025 budget subalit nananahimik sa "confidential fund" ni Sara at sa walang kaparis na pangungutang at pagnanakaw sa kaperahan ng gobyerno noong pandemya. At sa darating na halalan, pinapaniwala tayo ng paksyon ng mga Marcos at mga Duterte na sila lamang ang pagpipilian taumbayan. Maihahalintulad ito sa pagpili ng nagpapatiwakal kung siya ba ay nagbibigti o maglalason. Pareho lamang ang dalawang dinastiya, na mga salot sa taumbayan!

Mga kamanggagawa at kababayan! Tipunin natin ang pinakamalawak na independyenteng kilusan laban sa mga Marcos at mga Duterte. Ang eleksyon ay magbubukas ng oportunidad para sa ganitong inisyatiba't proyekto. Ang elektoral na alyansa o kasunduan ay "basis of unity" para tiyaking may boses ang oposisyong independyente sa kontrol ng dalawang nagbabangayang mga dinastiya. Subalit ito ay limitado. Magkaisa tayo sa paniningil sa mga Marcos at mga Duterte sa krisis, pandarambong, at panlilinlang - mga usaping tiyak tayong iniinda at inirereklamo ng pinakamalawak na mamamayan. Totohanan nating isulong ang mga reporma para lutasin ang kagyat at araw-araw na mga problema ng masa. Sapagkat tayo ay para sa totoong pagbabago at hindi lamang para sa mga nakaupo sa pwesto. Sa pakikibaka para sa reporma, kunin natin ang simpatya't suporta ng masang nililinlang ng mga Marcos at mga Duterte. Tipunin natin ang nagkakaisang hanay ng taumbayan para panagutin ang mga Marcos at mga Duterte. Singilin ang dalawang dinastiya sa kanilang kalapastanganan sa manggagawa't mamamayan mula 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Ituloy ang laban ng EDSA 1986. Pandayin ang pagkakaisang hihigop at magpapayabong sa lakas at inisyatiba at inisyatiba ng milyon-milyong Pilipino. Upang ang "pagtatakwil", na kinalauna'y magiging "pagpapatalsik" sa rehimeng Marcos, ay hindi magagamit ng mga Duterte at magiging tuloy-tuloy na pakikibaka laban sa paghahari ng mga elitistang trapo't dinastiya. At ang nagkakaisang taumbayan na ang magpapasya sa kanilang paraan ng pagpapatalsik sa rehimeng Marcos - kung ito ay sa pamamagitan ng halalang 2028 at/o ng bagong pag-aalsa ng kilusang bayan na nakapagwasto na sa mga kahinaan at kakulangan ng naunang "People Power Revolution".#

BMP - PLM - SANLAKAS
Pebrero 25, 2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* PLM - Partido Lakas ng Masa