Sabado, Setyembre 24, 2022

Sobra na, itigil na ang pagtaas ng presyo ng kuryente!


SOBRA NA, ITIGIL NA ANG PAGTAAS NG PRESYO NG KURYENTE

Mahal ang kuryente. Gusto na ng konsyumer na magmura.

Sakit sa ulo ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo at iba pang kapalpakan sa sektor ng enerhiya - na nagmula pa noong maisabatas ang Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001. Dahil sa batas na ito, napasakamay ng mga pribadong kumpanya ang sistema ng enerhiya sa bansa. Sa kagustuhan nitong kumita, napabayaang sumirit ang mga bayarin sa kuryente ng mga ordinaryong konsyumer. Habang tumataas ang mga bayarin sa kuryente, nababawasan ang panggastos ng pamilyang Pilipino at ordinaryong manggagawa. Kung gaano kadalas ang pagtaas ng singil sa kuryente, ganuon naman kadalang ang pagtaas ng sahod.

Halimbawa, sa isang tahanang kumukonsumo ng 200kWh, aabot na ng P169.47 ang tinaas ng bill mula Hunyo 2021 hanggang Hulyo 2022. Para na ring ninakawan ang konsyumer ng lima hanggang anim na kilo ng bigas.

Bakit ba mataas ang singil ng kuryente sa atin?

1. Mahal ang pinagkukunan natin ng kuryente. Ilang taon nang tumataas ang presyo ng coal at gas mula 2017. 350% na ang itinaas ng presyo ng coal at 250% naman ang gas. Pinalala pa ito ng iba't ibang krisis gaya ng COVID-19 at giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, na lalong nagpataas ng presyo nito. Hangga't coal, gas, at iba pang fossil fuel ang pinagkukunan natin ng kuryente, pamahal ng pamahal din ang ating electricity bill.

2. Ang pass-on, pasanin nating mga konsyumer! Ang mas mataas na gastusin ng mga kumpanya ng kuryente kapag nagmamahal ang panggatong na ginagamit nila, sa atin pinapasa. Tingnan na lamang natin ang San Miguel Corporation, na humihirit ngayon ng tatlong panibagong rate hike para makuha mula sa bulsa ng mga konsyumer ang hindi bababa sa limang bilyong piso na ikinalugi daw nila dahil sa coal at gas. Halimbawa ito ng tinatawag na pass-on costs. San Miguel ang nagpilit na coal at gas ang gamitin sa kuryenteng binebenta nila, pero bakit tayo ang pagbabayarin sa dagdag gastusin?

3. Mahal na nga, madalas pang pumalya ang fossil fuels. Taun-taon tayong nakakaranas ng mga brown-out at kakulangan ng kuryente dahil sa mga planta ng coal na biglaan at matagalang tumitigil sa pagtakbo, o sa mga planta ng gas na kualng ang binabatong kuryente sa grid kaysa sa nakakontra sa kanila. Kapag nangyayari ito, nagiging mahal din ang binibiling suplay ng kuryente na binebenta naman sa atin.

4. Dinadaya din tayo pagdating sa kontrata ng kuryente. Noong 2019, nag-utos ang Korte Suprema na lahat ng power supply agreement o kontrata sa kuryente, dapat sumailalim sa tinatawag na Competitive Selection Process na magtitiyak na least-cost o pinakamurang kuryente ang ibebenta sa konsyumer. Ang hindi sumunod, kanselado na dapat ang kontrata. Pero napag-alaman namin kamakailan lang na hanggang ngayon, marami sa mga kontratang ito ay ginagamit pa rin para singilin tayo ng mahal na bill. Mga kontratang paso na, bakit ginagamit pa?

Ano ang dapat mangyari upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente?

1. Kailangang agarang magkaroon ng pagkontrol sa presyo ng kuryente o tinatawag na price cap. Naghihikahos na ang mga mamamayan sa pagtaas ng mga bilihin ngayon, kaya't nararapat lamang na kontrolin na ang presyo ng kuryente.

2. Kailangang balikan ang competitive selection process upang matiyak na mapo-protektahan ang mga konsyumer. Dapat maging mandato ang pagkakaroon ng straight energy pricing sa lahat ng kontrata ng kuryente, kung saan hindi na pwedeng taas-baba ang presyo na sinisingil sa atin, at ipagbawal na ang pass-on.

3. Dapat ring aralin ang lahat ng PSA (power supply agreement) at prangkisa ng mga distribution utilities na labis-labis ang sinisingil sa kuryente. Malaki ang pagkukulang ng mga institusyon ng pamahalaan sa obligasyon nilang protektahan ang mga konsyumer, at dapat na silang kumilos para harangin ang mga mapang-abusong kontrata at kumpanya - gaya ng mga kontratang paso na pero ginagamit pa rin.

4. Kailangan nang tigilan ang pagtangkilik natin sa mga kuryenteng galing sa coal, gas, at iba pang fossil fuel na mahal at patuloy lang na nagmamahal.

5. Kailangang pabilisin ang paglipat natin sa paggamit ng 100% na renewable energy sa buong bansa. Makakalibre tayo sa mga fuel cost at iba pang gastusin dahil libre ang araw at hangin na gagamitin sa paggawa ng kuryente. Dapat tiyakin ng gobyerno na makamit ng Pilipinas ang mga financial, technological, at social requirements upang mapabilis ito.

Sobra na, itigil na ang pagtaas ng presyo ng kuryente!

Karapatan sa mura, maaasahan, at malinis na kuryente, ipaglaban!

Huwebes, Hulyo 14, 2022

Bakit dapat natin tutulan ang PAREX?

BAKIT DAPAT NATIN TUTULAN ANG PAREX (PASIG RIVER EXPRESSWAY)?

Habang rumaragasa ang COVID-19 sa nakalipas na dalawang taon, naging abala ang San Miguel Corporation (SMC) Infrastructure sa pagtulak ng dambuhalang proyektong sa wari nito ay paiikliin ang biyahe mula Manila hanggang Rizal sa loob ng 15 minuto. Magsisilbi rin umano itong ugnay ng hilaga at timog na lalong magpapabilis sa mga biyahe sa mga lugar dito. Ang proyektong ito ay ang Pasig River Expressway Project o PAREX. Babaybayin nito ang 19.37 kilometrong kahabaan ng Ilog Pasig na tatagos sa mga siyudad ng Maynila, Mandaluyong, Makati, Pasig at Taguig. Pero ang PAREX ay hindi lamang usaping trapiko. Maaaring magdulot ito ng panandaliang tugon sa problema sa trapiko pero sa huli mas lalamang ang perwisyong dulot ng PAREX kaysa benepisyo.

MGA DAHILAN

1. DEMOLISYON AT SAPILITANG PAGLIKAS. Upang itayo ang PAREX, kakailanganin nitong matiyak ang akses ng mga eksipo (equipment). Nanganganib ang mga komunidad maralita na maaaring tukuying daanan para sa mga kasangkapan sa pagtatayo ng expressway. Demolisyon at sapilitang paglilikas ang ibig sabihin nito. Marami sa mga komunidad maralita ang matatagpuan sa kahabaan ng Ilog Pasig.

2. PAGPATAY SA ILOG PASIG. Ilang dekada na ang tinagal ng mga insiyatiba para buhayin ang Ilog Pasig mula pa sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos hanggang sa kasalukuyan. Bagaman malaki-laki pa ang kailangang gawin, malayo na ang inunlad ng pagpapasigla ng Ilog Pasig. Tatabunan ng PAREX ang Ilog Pasig sa kahabaan kung saan ito itatayo. Maaari itong ikamatay ng mga halaman at hayop dahil sa pagkawala ng init mula sa araw. Magsasagawa din ng dredging ang SMC na tinuring na paglilinis ng ilog. Bukod sa wawasakin ang mga lamang tubig dahil sa dredging, malaking katanungan kung saan iimbakin at itatapon ang mahigit 54,000 toneladang dredge materials.

3. PAGLALA NG POLUSYON. Taliwas sa sinasabi ng SMC Infractructure, hindi bababa ang pagbuga ng maruruming hangin tulad ng carbon dioxide kapag naitayo ang PAREX. Bagkus, dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan ay lalala ang polusyon sa hangin. Lubhang peligroso ito sa mga kabahayan at komunidad na katabi ng itatayong expressway. Bukod sa usok, isang problema rin ang ingay o noise pollution.

4. PAGLALA NG GHG EMISSIONS, PAGLALA NG KRISIS SA KLIMA. Sa sariling pagtaya ng SMC, aabot sa 63,000 tonelada ang ibubugang carbon dioxide sa pagtatayo pa lang ng PAREX. Mas tataas pa ito kapag dinagsa at dinaanan na ito ng libu-libong sasakyan. Ang sobra-sobrang konsentrasyon ng carbon dioxide sa himpapawid ay pangunahing dahilan ng pag-init ng planeta o global warming, Mababalewala ang pagsusumikap ng kapwa pambansa at lokal na pamahalaan na pababain ang greenhouse gas emissions (GHG) dahil sa mga proyektong tulad ng PAREX.

5. PELIGROSO SA LINDOL. Sa sariling pag-aaral ng SMC, hindi nito matiyak ang kaligtasan ng mga dadaan sa PAREX kapag tumama ang malakas na lindol tulad noong Intensity IX 1968 Casiguran Earthquake at 1990 Luzon Earthquake. Itatayo ang PAREX sa liquefaction hazard area o lugar na malambot o lumalambot ang lupa. Wala mang lindol, peligroso ang PAREX dahil sa mismong pagtatayuan nito.

6. WAWASAKIN ANG MGA MAKASAYSAYANG GUSALI. Mismo ang SMC ang nagtukoy na may 15 historical sites ang nasa loob ng 1 km radius ng PAREX pero hindi nito binabanggit alin dito ang direktang tatamaan. May tatlong historical sites ang dadaanan ng PAREX, hindi kasama rito ang Intramuros na nasa ruta rin ng proyekto.

7. PAGLABAG SA PHILIPPINE ENVIRONMENT IMPACT STATEMENT (EIS) SYSTEM. Depektibo at kapos ang environmental impact statement (EIS) na ginawa ng San Miguel Corporation para sa PAREX. Imbes na maglinaw kung paano tutugunan ang nakikitang epekto ng PAREX sa kalikasan at komunidad, mas maraming isyu ang hindi nasasagot tulad ng usapin ng lindol, pagbaha, alikabok, epekto sa Ilog Pasig, atbp. Bukod sa laman ng EIS, depektibo rin ang naging proseso na magtitiyak ng makabuluhang paglahok ng mga stakeholders halimbawa na dito ang ginawang online public hearing kung saan naka-mute ang mga participants at walang opsyon na makapagpahayag ng saloobin dahil "disabled" ang chatbox.

* MAY ALTERNATIBA. Hindi totoo na walang alternatiba at ang tanging pagtatayo lamang ng PAREX ang solusyon nila sa problema sa trapiko. Ilan sa mga alterbatiba ay ang pagpapaunlad at pagpapalawig ng Pasig Watercraft Transport, pagpapaunlad ng public transport system sa Metro Manila, kasama na yung mga railway system at pagtatayo ng 20-kilometrong bike route sa tabi ng Ilog Pasig.

Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Martes, Hunyo 14, 2022

Polyeto ng Unyon ng J&T - mula sa AGLO


ANO ANG KAILANGANG MABATID NG MGA MANGGAGAWA NG J&T EXPRESS SA SAPILITANG PAGPAPAPIRMA NG MANAGEMENT?

Sa huling mga buwan naranasan ng mga manggagawa ng J&T Express sa buong NCR ang sunod-sunod na pang-aalipusta ng management. Binawasan ang ating gas allowance. Tinanggal ang O.T. Pati ang regular na pagbigay ng packing tape at kapote ay itinigil na nila. Nakapagtataka bakit pinagkakait ng management ang lahat ng benepisyong ito sa kabila ng patuloy na paglago ng J&T hindi lang sa NCR kundi sa buong Pilipinas sa panahon ng pandemya.

Ngayon naman, halos lahat ng driver, rider, sorter, at supervisor ay sapilitang pinapapirma ng management sa mga dokumento kung saan nakasaad na ililipat na raw tayong lahat sa bagong kumpanya.

Ayon sa management, kikilalanin pa rin ng bagong "employer" ang length of service natin at wala raw magbabago sa ating kasalukuyang sahod at benepisyo. Wala raw masamang mangyayari kung pumirma tayo. Kung ganoon nga, bakit ayaw tayo bigyan ng bagong kontrata bago tayo pumirma, mas lalo na't mahirap maintindihan ang mahabang kontrata na nakasulat sa ingles? Ayon sa batas, ang kondisyon sa pagpirma ng kahit anong kontrata ay ang malayang pasya o pahintulot na pipirma sa papasukang kontrata. Kung walang tinatago, hindi dapat mag-alangan ang management na ikonsulta muna ng mga manggagawa sa abogado o sa DOLE ang kontrata.

Ayon din sa management, hindi naman daw tayo pinipilit na pumirma. Pwede namang hindi pumirma pero idedeploy nila tayo sa malayong warehouse kung saan may J&T pa raw. Hindi naman kakayanin ng gas allowance natin araw-araw na mag-deliver sa area kung saan napakalayo sa area ng trabaho na nakasaad sa orihinal na employment contract natin. Halata na ang gustong gawin sa atin ng management. Kung hindi pumirma, papahirapan tayo ng sobra-sobra hanggang sa mapilitan na tayong mag-resign. Gugutumin tayo at ang ating pamilya para lang makamit ang gusto nila.

Bakit ba ginagawa ito ng management? Dahil nais nila pigilan tayong manggagawa na gamitin ang karapatan natin na bumuo ng Unyon para sa ikabubuti ng ating kalagayan!

Naipanalo na ang union ng J&T Drivers sa NCR at kinikilala na ito ng DOLE at ng management mismo. Kinakatakutan ngayon ng management na kumalat ang pagbubuo ng union sa mga riders, at sorters. Ang epekto sa pagpirma natin sa kontratang nasabi ay hindi na tayo kikilalanin na direct employee ng J&T, samakatuwid, dadagdagan nila ng hadlang ang pagbuo ng union ng J&T.

ANO BA ANG UNYON AT BAKIT KAILANGAN NATIN BUUIN AT IPANALO ITO?

Ang unyon ay isang lehitimong organisasyon ng mga manggagawa na pinagtatanggol at sinusulong ang mga karapatan at kahilingan ng mga kasapi nito. Kinikilala ng gobyerno at ng Konstitusyo ng Pilipinas ang karapatan ng mga manggagawa na bumuo nito. Ang unyon ay may karapatan na makipagtawaran o makipag-negosasyon sa management para sa pagpapataas at pagpaparami ng sahdo at benepisyo ng mga manggagawa. Kapag maipanalo ng manggagawa ang unyon sa isang kumpanya, inoobliga ng batas ang management na kilalanin at makipagtawaran dito. Ang mapagkasunduan ng management ng unyon sa kanilang negosasyon ay tinatawag na Collective Bargaining Collective (CBA). Isa sa mga batayan ng pagbuo ng unyon at ng CBA ay ang prinsipyyo na ang mga manggagawa ang lumilikha ng yaman ng lipunan. Kung walang manggagawa, hindi magkakaroon ng tubo ang mga negosyante o kapitalista kaya dapat habang lumalago ang tubo ng isang kumpanya tumataas din dapat ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa. Binubuo ang unyon at nakikipag-CBA para matiyak na makuha ng mga manggagawa ang makatarungang bahagi ng bunga ng kanyang produksyon.

Kung walang unyon na nakikipag-CBA, mapapasok sa minimum ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa na hindi makakasabay sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Kung wala ring unyon, walang depensa ang mga manggagawa sa pang-aabuso ng mga kapitalista, tulad ng ginagawa ng J&T management sa atin ngayon.

Ang unyon din ay isang behikulo para tugunan ang mga hinaing ng mga manggagawa sa pamamalakad ng mga kapitalista. Halimbawa, kapag may unyon ang J&T riders, obligado itong depensahan ang mga naholdap na riders na sinisingil pa ng management sa nanakaw na pera. Lalabanan ng unyon ang ganitong klaseng di-makatarungang mga polisiya ng management.

ANO ANG KASALUKUYANG KALAGAYAN NG UNYON SA J&T NCR?

Sa kasalukuyan, may tatlong unyon sa J&T NCR na may iba't ibang kalagayan: isa sa (transporter) drivers, isa sa riders, at isa sa sorters.

Sa J&T Riders at Sorters: Nasa proseso na ng Certification Election ang unyon ng riders at sorters. Ibig sabihin nito ay inaprubahan na ng DOLE na magkaroon ng eleksyon ang mga riders at sorters sa NCR kung saan boboto ang mga manggagawa kung gusto ba nila ng unyon o hindi. Ang pangunahing tungkulin ng mga rider at sorter ngayon ay organisahin at mulatin ang mga kapwa rider at sorter sa kanya-kanyang warehouse. Makipag-uganayan sa mga lider ng unyon at dumalo sa mga pulong at paaral na inoorganisa ng unyon para taasan ang kamalayan ng mga manggagawa sa kanilang mga karapatan sa pag-uunyon.

Ang petsa ng eleksyon ng mga rider ay Hunyo 29, 2022. Hinihintay pa ang eleksyon ng mga sorter, sa mga transporter may nakatakda nang CBA negotiation. Kung pumirma kayo sa nasabing kontrata ng management, huwag kayo mabalisa. Makipag-ugnayan lang sa mga lider ng unyon ng mga rider o sorter at ipaglalaban namin ang kaso niyo sa mga pre-election hearing sa DOLE kung saan naglalabasan ng ebidensya kung sino ang empleyado ng J&T na maaaring bumoto sa eleksyon.

Sa J&T Drivers: Naipanalo na ang Certification Election noong Marso 2, 2022. Kinikilala na ng DOLE at ng J&T Management ang Unyon na ito at sinisimulan na nila ang proseso ng CBA. Nagbigayan na ng mga proposal at counter-proposals ang unyon at ang management.

Kung ikaw ay Driver, ang kailangan mo lang ay umugnay at sumapi sa unyon at sakop ka na ang proteksyon at mga benepisyo ng unyon at mabubuong CBA. Huwag pumirma sa kontrata ng management! Ibig sabihin nito ay hindi ka maaaring maging kasapi ng unyon dahil hindi ka na kikilalaning empleyado ng J&T. Kung nakapirma kayo, huwag kayong mabalisa, umugnay pa rin sa unyon at ipaglalaban pa rin ng unyon ang kaso ninyo.

SOLUSYON SA PANUNUPIL AT PANLILINLANG NG J&T MANAGEMENT: PAGKAKAISA NG MGA MANGGAGAWA!

Ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay nakasalalay sa kanilang pagkakaisa at kapasidad na sabay-sabay ipagkait ang kanilang lakas-paggawa at maparalisa ang operasyon ng mga kumpanya. Kung kaunti tayo, mahina tayo. Pero kung marami at nagkakaisa tayo, maipapanalo natin ang ating mga kahilingan.

Kung hindi pareho ang unyon ng mga drivers, riders, at sorters, hindi ibig sabihin nito na hindi kailangan makipagtulungan ng bawat unyon laban sa panunupil ng management. Driver ka man o rider, sorter, o kahit bisor, lahat tayo ay apektado ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin at ng panunupil ng management. Kailangan ang ating pagkakaisa at pakikipagtulungan upang maipanalo ang ating mga unyon at isulong at ipagtanggol ang ating mga karapatan at kahilingan.

Manggagawa ng J&T Express, magkaisa laban sa panunupil ng management! Organisahin at ipanalo ang unyon ng mga drivers, riders at sorters!

MULA SA AGLO
6/10/22