REBOLUSYON, HINDI CHACHA!
IBAGSAK ANG TRAPONG PAGHAHARI!
ITAYO ANG GOBYERNO NG MASA!
IBAGSAK ANG TRAPONG PAGHAHARI!
ITAYO ANG GOBYERNO NG MASA!
Matagal nang inuuod sa kabulukan ang kasalukuyang sistema. Tanging si Gloria Arroyo lamang ang nakaramdam ng kaunlaran, hindi ang bayan. Pagkat ramdam ng masa ay kahirapan. Kaytaas na ng presyo ng bigas, galunggong, at iba pang pangunahing pangangailangan. Kaytaas na rin ng presyo ng langis.
Sa ngayon, nasa 30 milyon ang urban poor o 34% ng kabuuang populasyon, at 65 milyong Pilipino o halos 80% ng populasyon ang nabubuhay lamang ng katumbas ng P100.00 bawat araw o US$2 a day, 12 Pilipino ang namamatay bawat araw dahil sa maruming tubig, 3,300 manggagawa ang umaalis ng bansa araw-araw, 4.1 milyong Pinoy 0 7.3% ng labor force ang unemployed, habang 7.47 milyong Pinoy naman ang underemployed, 3.8 milyon ang backlog sa pabahay. Bawat Pilipino ay may utang na P44,000.00, kahit yaong kasisilang pa lamang.
Ngunit tiyak na ang maririnig natin sa SONA ni Gloria Arrovo, imbes na totoong kalagayan ng bansa ay ipagyayabang ang kanyang mga nagawa. Na puro naman kasinungalingan. Kaya sa huling SONA ni Gloria, isigaw nating siya'y tuluyan nang bumaba.
Rebolusyon, Hindi ChaCha
Nang magsilagda ang mga kongresista sa House Resolution 1109 para itransporma ang Kongreso sa Constituent Assembly (Con Ass) at palitan ang buong Saligang Batas, ipinakita lamang nilang wala silang malasakit sa sambayanan. Silang nagnanais na ibuyangyang ang ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhan. Silang pabor na gawing 100% ang pag-aari ng mga dayuhan sa ating mga lupain, media, eskwelahan, ospital at iba pang serbisyo sa sambayanan. Silang ang uri ay trapo kaya walang malasakit sa manggagawa't maralita. Babaguhin nila ang Saligang Batas para sa kanilang sariling interes sa negosyo at tubo, at hindi para sa kapakinabangan ng buong bayan. Ang mga ganitong klase ng kongresista ay hindi tunay na mga lingkod ng bayan. Dapat silang hindi na muling mahalal sa susunod na eleksyon.
Ngunit kung hindi magagawa ang mga pagbabagong ito, nagbabanta si Gloria na ideklara ang emergency rule o martial law. Kahit mga heneral at dating tagasuporta ni Gloria ay nagsasabi nito. Ito’y dahil desperado si Gloria na iwasan ang mga kaso ng plunder na nakaabang sa kanya kapag nawala na siya sa pwesto. Natatakot si Gloria na makulong, gaya ng nangyari kay Erap. Ikalawa, kailangan rin ni Gloria na protektahan ang bilyun-bilyong piso na mga nakaw na yaman ng kanyang buong pamilya. Dapat nating tutulan ang kanilang mga pakana para palawigin ang termino ni GMA at magdeklara ng martial law.
Gayunman, kung babaguhin ang Saligang Batas, dapat ito'y umayon sa tunay na paglilingkod sa lahat, lalo na sa manggagawa't maralita sa lipunan. Ngunit kung ito'y papabor lamang sa iilan, hindi natin ito papayagan. Ang ating panawagan ay hindi lamang simpleng Chicha Hindi Chacha, kundi Rebolusyon, Hindi Chacha! Totoong kailangan ng sambayanan ng chicha (pagkain), ngunit hindi ito kusang ibibigay ng gobyerno at ng mga hayok sa tubong kapitalista, kaya kinakailangan ng rebolusyon! Isang tunay na pagbabago ng matagal nang inuuod na sistema! Isang pag-aalsa ng mamamayan, mga manggagawa at maralita na pagod na at sawang-sawa na sa trapong paghahari. Na walang maidulot kundi ang kaguluhan dahil sa tuloy-tuloy na bangayan ng mga trapo at ang walang habas na pandarambong ng kabang yaman ng bansa.
Ibagsak ang Trapong Paghahari!
Matagal nang pinaiikot-ikot ng mga tradisyunal na pulitiko, o trapo, at kanilang palit-palit na pamilya, ang sambayanang Pilipino. Sa katunayan, nariyan ang mga Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga OsmeƱa ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Nariyan din ang mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan. atuloy pa silang naghahari at kontrolado nila ang pang-ekonomya't pampulitikang usapin sa kani-kanilang mga lungsod, probinsya't bayan.
Matagal nang nanunungkulan ang mga tulad nilang mayayaman at elitista sa ating bansa, ngunit may napala ba tayong mga manggagawa't maralita? Wala. Ang tanging nakamit natin mula sa kanila'y pawang pang-aapi't pagsasamantala. Dahil ang tingin nila sa sarili nila'y hari't magagaling na tao, ngunit magaling lang pala silang mangurakot at magsamantala sa maliliit. Puro ingles pa ang ginagamit para makaisa't makapang-api ng maralita't manggagawa! Pawang ingles para akalaing may pinag-aralan at matitino, ngunit mga bentador pala ng bayan! Para silang mga asong ngumingiyaw!
Sila’y lumalapit lamang sa mga mahihirap pag malapit na ang eleksyon, ngunit pagkatapos ng halalan ay hindi na mahagilap. Silang nag-aastang ayaw sa Con Ass dahil sa umano'y term extension ni Gloria, ngunit pabor na tanggalin ang mga proteksyong pang-ekonomya sa Saligang Batas. Silang kauri ni Gloria Arroyo kaya naabswelto sa kaso ang tulad ng plunderer na si Erap, gayong marami pang bilanggong pulitikal ang nakakulong at nagdurusa sa piitan dahil sa paglaban sa bulok na sistema. Silang magaling lamang magsalita sa mga patalastas na sila'y makamahirap, ngunit hindi makita sa totohanang labanan.. Hindi maipagtanggol ang manggagawa laban sa kontraktwalisasyon at mga tanggalan sa trabaho. Hindi maipagtanggol ang maralita laban sa demolisyon at ginagawang negosyo ang mga pabahay na hinuhulugan ng mga manggagawa at mamamayan at kinakalaban ang mga magsasaka na tanging pag-asa ay maipatupad ang repormang agraryo.
Ngunit may ilang nag-aastang militante ang mas nais lamang tanggalin ang mga kalawang sa gintong tanikala, at hindi ang tuluyang pagputol nito. Dahil mas gusto pa nilang makipagsayawan sa mga trapong tulad nina Mar Roxas, Manny Villar, Erap Estrada, atbp. na hindi naman talaga para sa mahihirap.
Huwag tayong magpatulog-tulog sa pansitan. Hindi na tayo dapat magpalinlang sa administrasyong Arroyo, lalo na sa burgis na oposisyon, dahil pare-pareho silang mga hunyango. Iisang uri. Pare-parehong trapo. Panahon nang putulin ang tanikalang iginapos nila sa mamamayan. Panahon nang tuluyang tigpasin ang kanilang paghahari!
Itayo ang Gobyerno ng Masa!
Mga kababayan, dapat nating suriin at pag-aralan ang lipunan, kung bakit may mahihirap at mayayaman, kung bakit may mga trapong nagpapahirap sa bayan, kung bakit tayong higit na nakararami ang mga api't pinagsasamantalahan.. Dapat natin itong maunawaan, upang may lakas tayo at batayan na ipangangaral din natin sa ating mga anak at sa mga susunod pang henerasyon upang pangarapin din nila ang isang lipunang hindi nahahati sa mga uri, isang lipunan na hindi naghihikahos ang karamihan at may kaseguraduhan sa sapat na pagkain, kabuhayan at paninirahan. Isang lipunang walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga lupa't pabrika, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang puno ng bayanihan at pagtutulungan, isang lipunang taglay ng bawat mamamayan ang dangal at dignidad, at may pag-ibig at kapayapaan sa puso't isipan ng lahat, isang sosyalistang lipunan!
Mangyayari lang ang lipunan na ito kung naitatag at naipuwesto ng mamamayan sa kapangyarihan ANG GOBYERNO NG MASA. Hindi tayo dapat tumigil hangga't hindi nagwawagi. Itayo natin ang isang gobyernong tunay na para sa atin. Isang gobyerno ng mayorya ng lipunan, hindi ng iilan. Isang gobyerno ng uring manggagawa, hindi ng kakarampot na kapitalista. Isang gobyernong matino na ipamamana natin sa mga susunod pang henerasyon. Isang gobyernong ang sasabihin sa atin ng ating mga apo at magiging apo pa, "Hindi natulog sa dilim ng gabi ang ating mga ninuno! Kumilos sila para makamtan natin ang tunay na kalayaan at kasaganaan ngayon, nang walang nagsasamantala."
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) * Partido Lakas ng Masa (PLM) * Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) * Pagkakaisa ng Manggagawa sa Trasportasyon (PMT) * Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura * Makabayan-Pilipinas* Sanlakas * Kalayaan! * Zone One Tondo Organization (ZOTO) * Samahang Demokratiko ng Kabataan * Piglas-Kabataan (PK) * Sanlakas-Youth * Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)